Pinaigting ng mga kapulisan ng Ramon, Isabela ang pagbabantay sa mga pook-pasyalan sa kanilang nasasakupan ngayong Summer Vacation kaugnay ng Ligtas SumVac 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-ar Olya-on, Chief of Police ng Ramon Police Station, sinabi niya na maliban sa pagbabantay sa mga resorts ay nakipag-ugnayan din sila sa hanay ng National Irrigation Adminstration (NIA) upang makontrol ang tubig sa mga irigasyon na isa sa mga hakbang upang maiwasan ang insidente ng pagkalunod.
Isa naman sa pangunahin nilang tinututukan ang ang Camp Vizcara na dinarayo ng mga turista. Ang kainaman lamang aniya ngayon ay hindi gaanong mataas antas ng tubig sa ilog sa naturang pasyalan kaya ligtas itong paliguan ng mga bata. Gayunman, naka-stanby pa rin ang kanilang personnel doon upang agad na makapagresponde kung kinakailangan.
Samantala, pinaigting rin ng PNP Ramon ang paghuli sa mga wanted person na nagresulta sa pagkakadakip sa number 1 most wanted person municipal level at 17 iba pa ngayong unang quarter ng 2026.
Patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya para sa implementasyon ng mga ordinansa gaya na lamang ng mga traffic rules, curfew, drinking in public places, at iba pa.










