Pinaigting ng lokal na pamahalaan ang proseso ng pag-isyu at beripikasyon ng Persons with Disability o PWD Identification Card, kasabay ng paalala sa publiko at mga establisyimento na maging mapanuri sa paggamit ng mga naturang ID.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, Disability Affairs Officer ng lungsod, sinabi nitong tinitiyak na dumaraan sa tamang proseso ang pag-isyu ng PWD ID at naitatala ang mga ito sa Philippine Registry of Persons with Disabilities o PRPWD upang matiyak ang pagiging lehitimo ng mga ID.
Maaari namang gamitin ng mga establisyimento ang QR code ng ID at online verification portal ng PRPWD upang suriin kung tugma ang impormasyon sa ID sa record ng isang PWD.
Kung walang lumabas na record, pinapayuhang tiyaking tama ang ID number at magsagawa muna ng karagdagang beripikasyon sa kinauukulang tanggapan bago gumawa ng desisyon hinggil sa bisa ng ID.
Samantala, isinusulong din ang Unified Persons with Disability Identification System o UPWDIS upang mapadali ang pagpaparehistro at mapalakas ang beripikasyon ng mga PWD ID sa buong bansa.











