Nangako si Senador Panfilo Lacson na masusing susuriin ang nakalaang P107.4 bilyong pondo para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panukalang P7.2 trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Lacson, nagsilbing panibagong babala ang kamakailang pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lugar tungkol sa umano’y korapsyon sa mga proyekto sa flood control.
Sinabi ng senador na muling nabuhay ang galit ng publiko sa umano’y sistema ng kickback na kinasasangkutan ng ilang mambabatas, lokal na opisyal at mga kontratista sa mga substandard o hindi naipatupad na flood control projects.
Binanggit din niya na umabot na sa P1.939 trilyon ang ginastos ng pamahalaan para sa flood control mula 2011 hanggang 2025, ngunit nananatili pa rin ang problema sa pagbaha.
Ayon kay Lacson, may mga naging testimonya noon mula sa ilang dating opisyal ng DPWH na nagsasabing nasa 35 hanggang 40 porsiyento ng pondo sa ilang flood control projects ang napupunta umano sa korapsyon.
Kaugnay ng panukalang P107.4 bilyong pondo para sa flood control management program ng DPWH, sinabi ni Lacson na hihingin niya ang pinakabagong flood control master plan ng pamahalaan at susuriin ito nang mabuti.
Kinuwestiyon din niya kung bakit kailangan pang gumastos ng panibagong P107.4 bilyon upang kumpunihin ang mga umiiral na flood control projects kung maayos ang pagkakagawa ng mga ito sa simula pa lamang.











