Nagsimula na ang Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan sa kanilang pagbabandillo o pag-iikot sa poblacion area at mga karatig-barangay upang ipabatid sa publiko ang mga ipatutupad na traffic at rerouting scheme sa lungsod.
Ang hakbang na ito ay kaugnay ng nalalapit na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa ika-8 ng Hunyo.
Unang ipatutupad sa unang araw ng Hunyo ang mga one-way traffic scheme sa ilang pangunahing kalsada tulad ng Roxas Street, Cortez Street, Mabini Street, Baligod Street, Felix Bucag Street, at Burgos Street.
Magkakaroon din ng bagong rerouting rules sa Roxas Street at Cortez Street areas, upang masiguro ang diretsong daloy ng mga sasakyan, ipagbabawal ang pagparada sa magkabilang panig ng mga kalsadang ito, bukod pa sa mga bagong restriksyon sa pagliko (left and right turns) sa bahagi ng Roxas at Cortez Street.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, binigyang-diin niya na mahalagang maagang maipaalam ang bagong traffic scheme sa publiko, partikular sa mga estudyante, magulang, at mga tsuper ng mga pampubliko at pribadong sasakyan na naghahatid sa mga paaralan upang maiwasan ang kalituhan.
Ayon kay Mallillin, sinimulan pa nitong Biyernes ang kanilang pagbandillo gamit ang sound system sa buong poblacion, at ipagpapatuloy ito araw-araw hanggang sa opisyal na magsimula ang klase. Layunin nitong masanay ang mga motorista sa mga bagong itatalagang “one-way streets,” drop-off points, at mga bawal na parking zones malapit sa mga eskwelahan.
Pangunahing pinaghahandaan at pinapaalalahanan ng POSD ang komunidad sa paligid ng Cauayan City Standalone Senior High School. Bilang paaralang may pinakamalaking populasyon ng mga mag-aaral sa lungsod, ito ang madalas na pinagmumulan ng mabigat na daloy ng trapiko, partikular na tuwing rush hour o sa oras ng pasukan at uwian.
Bukod sa pagbabandillo, magpapakalat din ang POSD ng mga traffic enforcer sa mga kritikal na intersection at nakapaglagay na rin sila ng mga karagdagang signages upang gabayan ang mga motorista at matiyak ang kaligtasan ng mga pedestrian sa darating na pagbubukas ng klase.






