--Ads--

Nagsimula na ngayong araw, Hunyo 1 ang implementasyon ng Brigada Eskwela sa mga paaralan sa Santiago City bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase para sa School Year 2026-2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Melozar F. Dizon, School Principal IV ng Santiago South Central School, sinabi nito na puspusan na ang mga aktibidad sa paaralan kabilang ang pagsasaayos ng mga silid-aralan, pagpapaganda ng learning environment at pagrepaso sa mga rekord ng mga mag-aaral upang matiyak ang maayos at episyenteng pagsisimula ng panibagong taong panuruan.

Ayon kay Ginoong Dizon, naging matagumpay ang pagsisimula ng Brigada Eskwela sa tulong ng iba’t ibang sektor ng komunidad na nakiisa sa paghahanda ng paaralan.

Kabilang sa mga nakilahok ang mga kinatawan ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, mga opisyal ng barangay, mga samahan ng tricycle drivers at mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Binigyang-diin ni Dizon na mahalagang bahagi ng Brigada Eskwela ang aktibong partisipasyon ng mga stakeholder dahil pinatitibay nito ang diwa ng bayanihan at kolektibong pananagutan para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Aniya, ang patuloy na pagtutulungan ng komunidad ay patunay ng suporta ng iba’t ibang sektor upang matiyak na magiging ligtas, maayos at kaaya-aya ang kapaligiran ng mga paaralan sa pagbubukas ng klase.

Nanawagan naman siya sa publiko, mga magulang, pribadong sektor at iba pang organisasyon na makiisa sa Brigada Eskwela sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang oras, kakayahan at iba pang suporta.

Ayon pa sa principal, mahalaga ang bawat ambag ng komunidad upang matiyak ang isang ligtas, maayos at dekalidad na kapaligirang pang-edukasyon para sa mga mag-aaral.