--Ads--

Muling nagpaalala ang Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan sa mga motorista hinggil sa ipinatutupad na bagong traffic scheme sa poblacion area.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, inamin nitong marami pa ring motorista ang nalilito sa bagong daloy ng trapiko at one-way system sa kabila ng kanilang isinagawang tatlong araw na information dissemination.

Kabilang sa mga pangunahing kalsadang sakop ngayon ng one-way traffic scheme ang Roxas Street, Cortez Street, Mabini Street, Baligod Street, Felix Bucag Street, at Burgos Street.

Kasabay nito, ipinapatupad din ang mahigpit na no parking policy sa magkabilang panig ng mga nabanggit na daan upang maiwasan ang anumang sagabal. Nagkaroon din ng bagong panuntunan o restriksyon sa left at right turn sa bahagi ng Roxas at Cortez Streets depende sa direksyon ng biyahe.

--Ads--

Ayon kay Mallillin, kompleto at malinaw na ang mga ikinabit nilang traffic signages kaya umaasa siya sa buong kooperasyon ng mga mamamayan, motorista, at mga commuter para sa tagumpay ng bagong sistema.

Samantala, mariing nanawagan ang POSD sa mga magulang na huwag papayagang magmaneho ng motorsiklo ang kanilang mga anak kung ang mga ito ay menor de edad o walang kaukulang driver’s license. Paalala ng opisyal, ang disiplina sa kalsada ay dapat magsimula sa loob ng tahanan.

Responsibilidad aniya ng mga magulang na tiyaking nakasuot ng standard protective helmet ang mga anak kapag ihahatid sa paaralan, at laging sumunod sa batas-trapiko upang maiwasan ang anumang disgrasya ngayong pasukan.