--Ads--

Patuloy ang mahigpit na surveillance at monitoring ng Department of Agriculture (DA) Region 2 sa mga poultry farms sa Isabela upang matiyak na tuluyan nang wala ang banta ng bird flu sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III ng Department of Agriculture Region 2, sinabi nito na bagamat naitala ang mga kaso ng Avian Influenza o bird flu sa ilang bahagi ng Isabela nitong nakalipas na mga buwan, wala nang bagong kaso ng virus na natukoy sa pinakahuling isinagawang lingguhang pagsusuri.

Ayon kay Dr. Galang, ang pinakahuling naitalang kaso ay sa Santiago City at Echague noong huling bahagi ng Abril, kung saan pawang mga backyard raisers ang naapektuhan.

Bagamat hindi aniya naging malaki ang pinsala dahil hindi komersyal na poultry farms ang tinamaan, mahalaga pa ring maging maagap ang mga awtoridad upang matiyak na wala nang umiikot na virus sa lalawigan.

--Ads--

Ipinaliwanag nito na masusing proseso ang isinasagawa bago ideklarang ligtas sa bird flu ang isang farm.

Aniya, matapos ang paglilinis at disinfection, kinakailangang sumailalim ang pasilidad sa pitong araw na obserbasyon at 21 araw na downtime kung saan bawal munang maglagay ng anumang uri ng poultry.

Pagkatapos nito ay maglalagay ng mga sentinel animals o sisiw na oobserbahan sa loob ng 35 araw habang sumasailalim sa lingguhang pagsusuri.

Kapag patuloy na negatibo ang resulta ng mga pagsusuri ay maaari nang muling mag-operate nang normal ang farm.

Nabanggit din nito na isa sa mga posibleng pinagmulan ng exposure ay ang mga retailer na hindi sumailalim sa tamang disinfection procedures.

Dahil dito, hinikayat ni Dr. Galang ang mga poultry raisers na paigtingin ang biosecurity measures sa kanilang mga alaga upang maiwasan ang pagpasok ng anumang sakit.

Kasabay nito, nagpaalala rin siya sa publiko na huwag kainin o katayin ang mga manok at iba pang alagang ibon na may sakit o biglaang namamatay.

Sa halip, agad itong iulat sa Municipal Agriculture Office, Provincial Veterinary Office o sa Department of Agriculture upang masuri at maagapan kung ito man ay nakahahawang sakit at hindi na kumalat sa iba pang mga hayop.