
CAUAYAN CITY – Magsisimula na ngayong araw ang Pre-Palaro Qualifying Meet sa Ilocos Norte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Project Development Officer IV Ferdinand Narciso ng DepEd Region 2 na kagabi ay isinagawa na ang opening program para sa Pre-Palaro Qualifying Meet sa Ilocos Norte Centennial Arena na isa sa napakagandang gymnasium sa naturang lugar.
Engrande aniya ito at makikita ang kahandaan ng naturang lalawigan sa palaro sa tulong na ng mga local government units o LGUs.
Aniya, ang Region 2 ay bahagi ng cluster 1 sa pre-palaro qualifying meet kasama ang mga rehiyon ng 1,2,3 at Cordillera Administrative Region o CAR.
Pagkatapos nito ay magkakaroon ng palarong pambansa proper sa Marikina City sa ikadalawampu’t anim ng Hulyo hanggang ikalima ng Agosto.
Sa sa pre palaro qualifying meet ay mga team events lamang ang maglalaro tulad ng koponan ng basketball, softball, football, sepak takraw, at volleyball.
Sa kabuuan, ang region 2 delegates ay halos tatlong daan dalawampu at dalawang daan at siyam ang mga atleta at isang daan labinlima ang working committee participants na kinabibilangan ng mga coaches, trainers, chaperons, tournament managers at mga opisyal ng DepEd Region 2.
Kasama rin nila ang kanilang medical team bilang paghahanda sakali mang magkaroon ng kaso ng COVID-19.
Tiniyak niya na nagkulang man sila sa pondo para sa paghahanda ay tinulungan naman sila ng mga LGUs para makabili ng mga jackets, playing uniforms, sumbrero at iba pang gamit.
Ngayong araw ay sasabak na sila sa ilang events gaya ng baseball elementary athletes team at ang makakalaban nila ay ang Region 1.
Mayroon na ring laro ang softball Secondary team at Region 1 din ang kanilang makakalaban habang ang Sepak takraw Jr. ay makakalaban naman ang CAR.
Ayon pa kay Project Development Officer IV Narciso, ang kanilang billeting area ay sa Sarat, Ilocos Norte.




