Matapos si dating House Speaker Martin Romualdez, ngayon ay hiniling naman ng Office of the Ombudsman na pagbawalan si dating Senate President Francis Escudero at negosyanteng Maynard Ngu na makalabas ng bansa kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nila sa flood control scandal.
Ayon sa impormasyon, naghain ang Ombudsman ng aplikasyon para sa precautionary hold departure order (HDO) laban kina Escudero at Ngu sa Sandiganbayan noong Abril 25.
Ang kaso ay na-raffle sa Sixth Division na pinamumunuan ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez, kasama sina Justices Kevin Narce Vivero at Lord Villanueva.
Si Ngu, isang tech billionaire na nagbigay ng P30 milyon sa kampanya ni Escudero noong 2022, ay tinukoy ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo bilang “bagman” ng senador. Ayon kay Bernardo, siya mismo ang naghatid ng P160 milyon na kickbacks mula sa P800 milyong pondo para sa mga proyekto sa Valenzuela City at Marinduque.
Samantala, si Ngu ay nagbitiw bilang direktor ng Altus Property Ventures Inc. matapos masangkot sa kontrobersya. Nagsilbi rin siyang special envoy to China para sa kalakalan, pamumuhunan, at turismo noong 2023.
Ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), na ngayo’y defunct, ay dati nang nagrekomenda ng pagsasampa ng mga kasong plunder, bribery, at corruption laban kina Escudero at Ngu.
Nakatakdang pagdesisyunan ng Sandiganbayan ang aplikasyon ng Ombudsman, habang patuloy na lumalalim ang imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control at road network projects.











