Sa kabila ng pangako ng Iran na papayagan ang ligtas na pagdaan ng mga oil shipment na patungong Pilipinas sa Strait of Hormuz, malabong agad bumaba ang presyo ng produktong petrolyo sa mga gasolinahan, ayon sa mga source mula sa industriya ng langis nitong Sabado.
Nakuha ng pamahalaan ng Pilipinas ang naturang katiyakan matapos ang isang pag-uusap sa telepono sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary na si Ma. Theresa Lazaro at Iranian Foreign Minister na si Seyed Abbas Araghchi noong Huwebes.
Ang Strait of Hormuz, na kasalukuyang kontrolado ng Iran, ay isang mahalagang daanan ng langis sa buong mundo kung saan dumadaan ang humigit-kumulang ikalimang bahagi ng suplay ng krudo sa buong mundo.
Ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mahalagang punto ng kasunduan ay ang katiyakan sa kaligtasan hindi lamang ng mga barkong may bandilang Pilipino—na kakaunti lamang—kundi pati na rin ng mga shipment ng “energy sources” na patungong Pilipinas, kabilang ang krudo, mga produktong petrolyo, at natural gas.
Batay naman sa datos ng Department of Energy (DOE), umaabot sa 98 porsyento ng inaangkat na krudo ng bansa ay nagmumula sa Middle East. Samantala, nasa 97 porsyento ng liquid petroleum products tulad ng diesel, gasolina, at kerosene ay galing sa mga bansang Asyano na kadalasang nagpoproseso ng langis mula rin sa Middle East.











