--Ads--

Walang naitalang pagbabago sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG)sa lungsod sa kabila ng mga naitatalang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakalipas na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Robinson John Calderon, LPG dealer sa Cauayan City, sinabi niya na bagama’t walang paggalaw sa kasalukuyang presyo ay pababa na umano ang price trend ng LPG sa huling linggo ng Mayo hanggang unang linggo ng Hunyo.

Aniya, marami umano ang nagugulat kung bakit halos lingguhan na ang paggalaw ng presyo ng LPG tanks gayong dati ay tuwing unang linggo lamang ng buwan nagkakaroon ng pagbabago ng presyo.

Paliwanag ni Calderon, nagsimula umano ito nang magkaroon ng hindi matatag na suplay at pagharap sa krisis sa merkado kung saan may pagkakataong bigla-bigla na lamang umanong nagkakaroon ng price adjustment kahit hindi pa unang linggo ng buwan.

--Ads--

Aniya, ngayong buwan ng Mayo ay may mga naitalang rollback subalit may mga pagkakataon din na tumataas ito depende sa paggalaw ng suplay at presyo sa pandaigdigang merkado.

Sa kasalukuyan, ang pinakamataas na presyo ng LPG sa lungsod ay umaabot ng ₱1,500 habang ang pinakamababa naman ay nasa mahigit ₱1,100 depende sa timbang at brand ng tangke.