Hindi muna mababawasan ang pamasahe sa mga tricycle sa Lungsod ng Cauayan sa kabila ng malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo na ipinatupad ngayong Martes, Nobyembre 10, kung saan umabot sa P16.80 kada litro ang ibinaba sa presyo ng gasolina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Antonio Tallatu, isang tricycle driver sa lungsod, sinabi nitong mahigpit nilang sinusunod ang umiiral na fare matrix na inilabas ng Pamahalaang Panlungsod.
Ayon kay Tallatu, karaniwang inaabot ng mahigit isang linggo bago maipatupad ang anumang pagbabago sa pamasahe kasunod ng paglalabas ng kaukulang direktiba.
Dagdag pa niya, nakasalalay sa lokal na pamahalaan ang anumang fare adjustment, lalo na kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa mga susunod na linggo.
`
Dahil dito, pinapayuhan ang mga commuter na ang kasalukuyang aprubadong pamasahe pa rin ang susundin sa mga biyahe ng tricycle sa lungsod.








