--Ads--

Nakaambang umabot sa ₱170 kada kilo ang presyo ng tilapia sa Pamilihang Panlungsod ng Cauayan dahil sa patuloy na kakulangan ng suplay na iniuugnay sa naganap na fish kill sa Magat Dam. Kasabay nito, humina rin ang bentahan dahil sa pangambang may sakit umano ang mga isdang ibinebenta sa pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Arman Bagsic, isang tindero ng isda sa naturang pamilihan, sinabi niyang kapansin-pansin ang patuloy na pagnipis ng suplay ng tilapia na dumarating sa merkado.

Ayon kay Bagsic, mula sa kasalukuyang presyong ₱150 kada kilo, maaari itong umabot sa ₱170 kada kilo sa mga susunod na araw kung magpapatuloy ang limitadong suplay.

Dagdag pa niya, lalo pang naapektuhan ang kanilang kabuhayan dahil nabawasan ang bilang ng mga mamimili bunsod ng kumakalat na pangambang may sakit umano ang mga isdang ibinebenta sa pamilihan.

--Ads--

Aniya, ilan sa kanilang mga dating suki ang pansamantalang umiwas sa pagbili sa kabila ng kawalan ng anumang opisyal na kumpirmasyon hinggil sa naturang usapin.

Umaasa ang mga tindero na agad matutugunan ang kakulangan sa suplay at malinawan ang publiko upang maibalik ang kumpiyansa ng mga mamimili at maiwasan ang lalo pang pagtaas ng presyo ng isda.