--Ads--

Nasungkit ni Filipino pole vault star EJ Obiena ang kanyang ikawalong gintong medalya ngayong 2026 matapos manguna sa Golden Sand 2026 competition sa Międzyzdroje, Poland.

Nilundag ni Obiena ang season-best na 5.91 metro para makuha ang gold medal sa World Athletics Continental Tour event, kung saan tinalo niya ang mga batikang pole vaulters mula sa iba’t ibang bansa.

Mas mataas ito sa dati niyang season-best na 5.85 metro na naitala niya sa Meeting Madrid sa Spain, kung saan siya nagtapos na silver medalist, at sa 5.83 metro na kanyang na-clear para sa gintong medalya sa Jockgrim, Germany noong nakaraang linggo.

Kabilang sa mga nakaharap ni Obiena sa kompetisyon ang mga Amerikanong sina Cole Walsh at Hunter Garretson, gayundin ang French vaulter na si Robin Emig.

--Ads--

Dahil sa panibagong panalo, lalo pang umangat ang trophy haul ng 30-anyos na si Obiena ngayong season, kabilang ang mga gintong medalya sa Cottbus, Berlin, Halberstadt, Poznań, Eisenstadt at Tianjin.

Nasa world No. 13 si Obiena at target niyang makabalik sa Top 10 habang hinahabol ang puwesto sa nalalapit na World Athletics Ultimate Championships.