Tiniyak ng Police Regional Office (PRO) 2 na plantsado na ang kanilang mga plano para sa seguridad sa papalapit na pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa darating na ika-8 ng Hunyo, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Malillin, Spokesperson ng PRO 2, sinabi niya na maaga pa lamang ay nagpababa na sila ng mga direktiba at guidelines sa lahat ng police stations sa buong Lambak ng Cagayan para sa pagpapatupad ng “Oplan Balik Eskwela 2026.”
Layunin nitong gabayan ang mga lokal na himpilan ng pulisya sa madalas na ginagawang pagpapatatag ng police visibility at paglalagay ng mga Police Assistance Desks (PADs) sa mismong tapat o malapit sa mga paaralan.
Gaya ng nakagawian ng PNP taon-taon, magsasagawa rin ng serye ng foot at mobile patrols ang mga awtoridad sa mga pangunahing lansangan at terminal ng sasakyan. Layon nitong protektahan ang mga mag-aaral laban sa mga mapagsamantalang elemento tulad ng mga snatcher, holdaper, pickpockets, at mga nagbebenta ng ilegal na droga malapit sa mga kampus.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng PRO 2 sa pamunuan ng Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan (LGUs), at mga barangay tanod upang magtulong-tulong sa pagmamando ng trapiko at pagbabantay sa mga safety at security concerns ng bawat paaralan.
Bukod sa pisikal na seguridad, kaakibat din ng taunang operasyon ng PNP ang pamamahagi ng mga Information Education Campaign (IEC) materials o leaflets na naglalaman ng mga paalala ukol sa anti-bullying, krimen, at mga emergency hotlines na maaaring tawagan ng publiko upang matiyak ang isang ligtas at mapayapang pagbubukas ng klase.







