--Ads--

Kasabay ng pagpapaigting ng police visibility at mga hakbang kontra krimen, patuloy na isinusulong ng Delfin Albano Municipal Police Station ang Project SHIELD at Pulis Iskolar bilang bahagi ng kanilang community-based programs.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Joel Guban, Chief of Police ng Delfin Albano, sinabi niyang nakatuon ang kanilang operasyon sa pagpapanatili ng seguridad sa bayan sa pamamagitan ng 24/7 police visibility, regular patrols, checkpoints at pakikipag-ugnayan sa mga barangay at iba pang ahensya.

Kabilang din sa kanilang isinasagawang programa ang school visitation at pakikipag-ugnayan sa mga guro, magulang at school officials upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.

Samantala, sa ilalim ng Project SHIELD, namimigay ang pulisya ng libreng helmet sa mga motorcycle rider bilang bahagi ng kampanya para sa road safety.

--Ads--

Mayroon ding limang iskolar sa ilalim ng Project Pulis Iskolar na patuloy na tinutulungan ng himpilan sa kanilang pag-aaral.

Ayon kay Guban, minana pa niya ang dalawang programa sa mga dating hepe at ipinagpapatuloy ito dahil sa layuning mapalakas ang ugnayan ng pulisya at komunidad.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagbabantay ng pulisya, lalo na sa mga motorcycle rider na bumibiyahe nang walang helmet o lisensya, na kabilang sa mga minor incidents na naitatala sa kanilang lugar.