Isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson na may ilang mambabatas na umano’y kumikilos upang alisin ang anti-epal provision sa cash assistance programs sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Lacson, nais ng ilang kongresista na tanggalin ang probisyong nagbabawal sa mga pulitiko na personal na mamahagi ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.
Inihayag niya ito sa plenary debates sa panukalang ₱241.2 bilyong pondo ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Iginiit naman ni Lacson na dapat panatilihin ang naturang probisyon upang maiwasan ang paggamit sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS bilang instrumento ng political patronage.
Sinabi rin niyang nais niyang amyendahan ang programa upang mailipat ang bahagi ng pondo sa mas institutionalized na social assistance programs, gaya ng food assistance at supplementary feeding.
Samantala, tiniyak ni Senator Risa Hontiveros na nananatili sa DSWD ang kontrol sa pagsusuri at pamamahagi ng AICS, at walang kapangyarihan ang mga kongresista na mag-isyu ng guarantee letters.











