Handa na ang prosecution panel para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at isinasapinal na ang listahan ng mga testigo at ebidensyang ihaharap sa paglilitis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Terry Ridon, miyembro ng prosecution panel, inaasahang makukumpleto sa Lunes ang pinal na listahan ng mga testigo. Posible ring agad na simulan ang presentasyon ng mga testigo matapos ang opening statements sa unang araw ng trial.
Sinabi ni Ridon na mahalaga ang testimonya ng mga testigo at inaasahang susunod sila sa subpoena ng impeachment court. Samantala, inaasahang igigiit ng depensa na naaayon sa batas ang mga naging hakbang ng bise presidente, kabilang ang paggamit ng confidential funds.
Hinimok din ni Ridon ang publiko na tutukan ang impeachment trial upang masubaybayan ang paglalahad ng mga ebidensya at testimonya ng magkabilang panig.











