Nais ng House prosecution panel na isalang si Vice President Sara Duterte bilang testigo sa sarili niyang impeachment trial.
Ito ang inihayag ni private prosecutor Lorna Kapunan sa Senate impeachment court ngayong Martes, sa ika-23 araw ng paglilitis, kasabay ng pagtatapos ng prosecution sa paglalahad ng ebidensya kaugnay ng Article 1 ng Articles of Impeachment.
Nakasaad sa naturang artikulo ang alegasyon ng maling paggamit o paglustay umano ni Duterte sa ₱612.5 milyon na confidential funds.
Gayunman, sinabi ni Kapunan na hindi pa nila hinihingi sa impeachment court ang pagpapalabas ng subpoena laban sa Bise Presidente sa ngayon.
Iginiit naman ni lead defense counsel Sheila Sison na ang pagpapalabas ng subpoena o sapilitang pagpapasaksi kay Duterte ay maaaring lumabag sa kaniyang karapatang konstitusyonal laban sa self-incrimination, na nakasaad sa Article 3, Section 17 ng Saligang Batas.
Samantala, hindi pa naglalabas ng ruling si Senate President at presiding officer Francis “Chiz” Escudero sa mosyon ng prosecution, habang hinihintay ang pormal na mosyon nito para sa subpoena at ang tugon ng defense panel.











