--Ads--

Binigyang-pugay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang mga Isabeleño sa pagdiriwang ng ika-170 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan ngayong araw.

Sa seremonya, kinilala ng mga opisyal ang naging ambag ng mamamayan sa patuloy na pag-unlad ng Isabela sa larangan ng agrikultura, ekonomiya, at pamahalaang lokal.

Sa talumpati ni Vice Governor Francis Faustino Dy, ibinahagi niya ang mensahe ni House Speaker Bojie Dy kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat Isabeleño sa pagpapatuloy ng mga programa at adhikain ng lalawigan.

Ayon sa mensahe, ang tagumpay ng Isabela ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaan at mamamayan sa kabila ng mga pagsubok tulad ng mga nagdaang bagyo na nakaapekto sa kabuhayan ng maraming residente.

--Ads--

Pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga natatanging Isabelino sa isinagawang Search for Most Outstanding Isabelinos 2026 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Isabela Day sa Lungsod ng Ilagan.

Kabilang sa mga kinilala sa larangan ng agrikultura si Ginoong Arnel Santiago ng San Mateo habang ginawaran naman sa larangan ng edukasyon si Engr. Alfonso Simon ng Lungsod ng Ilagan.

Sa Family category, kinilala si Ginoong Dario Capuchino at pamilya mula sa Naguilian habang sa larangan naman ng entrepreneurship ay ginawaran si Ginoong Jose Avelino Diaz ng Lungsod ng Ilagan.

Kinilala rin sa law enforcement si PLTCOL Ernesto DC Nebalasca Jr. ng Lungsod ng Ilagan habang itinanghal naman sa media category si Dr. Cecilia La Madrid-Dy ng Lungsod ng Cauayan.

Sa kultura at sining, ginawaran si Ginoong Louie Simbi ng Echague habang kinilala naman sa public service si USEC David Almirol Jr. ng Lungsod ng Cauayan.

Pinarangalan din sa science and technology si Engr. Orlando F. Balderama ng Echague.

Samantala, kinilala bilang Young Achievers sina Isidro Carmelo Siquian ng Benito Soliven at Kail Emirence Ducay ng Luna.

Layunin ng naturang pagkilala na bigyang-pugay ang mga Isabelinong nagbigay ng malaking ambag sa kani-kanilang larangan at nagsilbing inspirasyon sa lalawigan ng Isabela.