--Ads--

Inirereklamo ng ilang residente ng Barangay San Isidro, Cauayan City ang putik na umaabot sa kalsada mula sa isinasagawang quarrying operation, na mas nagiging problema tuwing umuulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Ambrocio Dampulas, sinabi niyang nagmumula umano sa quarry ang putik na dumadaloy patungo sa kalsada kapag malakas ang ulan.

Ayon sa kanya, nakikipag-ugnayan na ang barangay sa nagsasagawa ng quarrying upang matiyak na malilinis ang kalsada at maaayos ang anumang bahagi nito na maaapektuhan ng operasyon.

Aniya, kapag masyadong maraming putik ang naiipon sa kalsada, maaari itong maging obstruction at maging sanhi ng abala o panganib sa mga dumadaang motorista.

--Ads--

Matapos matanggap ang reklamo, sinabi ni Dampulas na nakatakdang magsagawa ng paglilinis sa waiting shed at kalsada ngayong Sabado. Posible rin umanong isama sa paglilinis ang bahaging kalsadang naapektuhan ng putik mula sa quarry.

Ayon pa kay Dampulas, nagsimula ang quarrying operation noong Enero ngayong taon, ngunit pansamantalang nahinto bago muling ipinagpatuloy noong Hunyo at nagpapatuloy hanggang ngayon.

Layunin umano ng quarrying na maisaayos ang lugar upang magamit ito sa hinaharap bilang bukirin.

Tiniyak naman ni Dampulas na aaksyunan ng barangay ang reklamo at gagampanan ng mga opisyal ang kanilang responsibilidad upang mapanatiling malinis at ligtas ang kalsada para sa mga residente at motorista.