--Ads--

Nakapagtala ng pag-angat sa kanilang performance ang mga mag-aaral na lumahok sa Programme for International Student Assessment o PISA 2025, kabilang ang mga piling estudyante mula sa Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Octavio Cabasag, Chief Education Program Supervisor ng Curriculum and Learning Management Division ng DepEd Region 2, sinabi nitong mga mag-aaral na nasa edad 15-anyos ang isinailalim sa naturang international assessment.

Kabilang sa mga lumahok ang mga mag-aaral na nasa Grade 7 hanggang Grade 10 mula sa piling pampubliko at pribadong paaralan sa Cagayan, Cauayan City, Isabela, Nueva Vizcaya at Batanes

Sa Region 2, dalawang pampublikong paaralan mula sa Cagayan ang lumahok, habang tig-isang pampublikong paaralan mula sa Cauayan, Isabela Batanes ang nakilahok. May isa ring pribadong paaralan mula sa Isabela, samantalang dalawang pampubliko at isang pribadong paaralan naman ang mula sa Nueva Vizcaya.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Cabasag na hindi grade level ang pangunahing batayan sa pagpili ng mga kalahok sa PISA kundi ang kanilang edad, dahil ang naturang pagsusulit ay sumusukat sa kakayahan ng mga 15-anyos na mag-aaral sa international level.

Bagamat hindi maaaring isapubliko ang partikular na performance ng mga paaralang lumahok sa Region 2, sinabi ni Cabasag na naging maganda ang naging resulta ng mga estudyanteng nakilahok.

Kabilang ang PISA 2025 sa mga assessment na nagpakitang umangat ang performance ng mga mag-aaral sa bansa kumpara sa mga nakaraang resulta.

Aniya, kapansin-pansin ang pagdami ng mga mag-aaral na umabot sa minimum proficiency sa reading, habang malaki rin ang naging pag-angat sa performance sa science kung ihahambing sa mga nakaraang assessment.

Ayon kay Cabasag, hindi lamang nakasalalay sa espesyal na review para sa PISA ang naging pag-angat ng performance ng mga mag-aaral.

Aniya, nagsisimula ang paghahanda sa loob mismo ng regular na klase sa pamamagitan ng maayos at competency-based na pagtuturo.

Malaki rin umano ang naitulong ng monitoring at suporta ng mga education officials, mga local government unit, partner agencies at maging ng media sa pagpapalakas ng kalidad ng edukasyon.

Sa ngayon, naghahanda na rin ang DepEd para sa susunod na PISA 2028, kung saan patuloy silang magsasagawa ng mga hakbang upang lalo pang mapaunlad ang performance ng mga mag-aaral.