--Ads--

Nagkamit ng pambansang pagkilala ang tatlong fisheries partners mula sa Cagayan Valley matapos silang parangalan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR dahil sa kanilang ambag sa pangangalaga ng yamang tubig, pagsusulong ng napapanatiling pangisdaan at suporta sa mga komunidad ng mangingisda.

Isinagawa ang paggawad noong Setyembre 18 sa Luxent Hotel sa Quezon City bilang bahagi ng pagtatapos ng pagdiriwang ng ika-63 Fish Conservation Week.

Kabilang sa mga kinilala sa pambansang antas ang Local Government Unit ng Claveria, Cagayan; Lon-Yi Aquamarine Trading Corporation ng Cordon, Isabela; at si John Oliver Allan U. Valdez ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.

Napili ang tatlo mula sa limang regional awardees na unang pinarangalan sa Gawad Parangal, Pagkilala at Pasasalamat sa Kabalikat ng Pangisdaan at Yamang Tubig na isinagawa noong Setyembre 14 sa Robinsons Place Tuguegarao City.

--Ads--

Kabilang din sa mga kinilalang regional awardees ang LGU Sta. Teresita sa Cagayan at Timpuyug Ti Agkakarruba ng Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon sa BFAR, ipinakikita ng pagkilalang ito ang mahalagang papel ng mga stakeholder ng Region 2 sa pagpapatupad ng mga programa para sa pangangalaga ng yamang tubig, responsableng pamamahala ng mga likas na yaman sa karagatan at katubigan, at pagpapalakas ng kabuhayan ng mga mangingisda.

Sa pamamagitan ng Gawad Parangal, muling pinagtibay ng BFAR ang layunin nitong palakasin ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor at mga indibidwal upang maisulong ang sustainable fisheries at matatag na mga komunidad ng mangingisda sa buong bansa.