Umabot na sa 3,524 ang kumpirmadong kaso ng dengue sa Cagayan Valley o Region 2 mula Enero 2026 hanggang sa kasalukuyan, mas mababa ng 50% kumpara sa mahigit 7,000 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health Cagayan Valley.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Aisha Rowena Arce, Senior Health Program Officer ng DOH Cagayan Valley, sinabi niyang apat na ang nasawi dahil sa dengue ngayong taon, mas mababa kumpara sa 21 dengue-related deaths noong 2025.
Aniya, hindi pa matiyak kung saan hahantong ang kabuuang bilang ng mga kaso ngayong taon dahil mayroon pang apat na buwang kailangang bantayan, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Binigyang-diin niya na mahalaga ang patuloy na pagpapatupad ng preventive measures ng mga komunidad at indibidwal upang mapigilan ang pagtaas ng kaso.
Samantala, nangunguna ang Isabela sa may pinakamaraming naitalang dengue cases sa rehiyon na bumubuo sa humigit-kumulang 35% ng kabuuang kaso, kasunod ang Lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Arce, nasa 55% ng kabuuang dengue cases ang mga lalaki, na may edad mula isa hanggang 96 na taon. Pinakanaaapektuhang age group naman ang mga batang edad isa hanggang 10 taon.
Samantala, patuloy ang DOH sa pagbibigay ng technical assistance, dengue testing kits, insecticides at iba pang kinakailangang suplay sa mga LGU, habang pinalalakas din ang disease surveillance at information campaign sa mga paaralan at komunidad.
Sa kanilang pinakahuling record, nagsagawa ang ahensya ng mga forum sa Buguey, Cagayan, gayundin sa Reina Mercedes at San Pablo, Isabela, mula Setyembre 1 hanggang 3, 2026.
Sa kasalukuyan, sinabi ng DOH na sapat ang dengue NS1 kits na naipagkaloob sa mga LGU. Tiniyak din na 24/7 na bukas at handa ang mga dengue lane sa mga DOH hospital, habang nakahanda rin ang district at local government hospitals sa posibleng pagdami ng mga pasyenteng may dengue.











