--Ads--

Nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng barangay road sa Barangay Labinab, Cauayan City, matapos pansamantalang mahinto nitong nakaraang linggo dahil sa sunod-sunod na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Cesar Manrique, foreman ng proyekto, sinabi nitong muling ipinagpatuloy ang konstruksyon matapos ang pansamantalang paghinto ng mga gawain dahil sa masamang panahon.

Samantala, patuloy pa rin umanong nakararanas ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar dahil one-way lamang ang maaaring daanan ng mga motorista habang isinasagawa ang rehabilitasyon.

Ayon kay Manrique, may ilang motorista pa ring hindi sumusunod sa mga flagman at awtoridad na nagmamando ng trapiko, na nagiging sanhi ng pagsisikip at gitgitan ng mga sasakyan.

--Ads--

Minsan ay naaapektuhan din umano nito ang mga manggagawang nagsasagawa ng konstruksyon.

Upang mapabilis ang pagkumpleto sa proyekto, nadagdagan umano ang bilang ng mga tauhang nagtatrabaho sa lugar, kabilang ang mga flagman na tumutulong sa pagkontrol ng daloy ng trapiko at mga manggagawa sa rehabilitasyon.

Nadagdagan din ang mga tauhan ng Public Order and Safety Division o POSD na nakatalaga sa lugar upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at maayos na daloy ng trapiko.

Nanawagan naman si Manrique sa mga motorista na sumunod sa mga umiiral na panuntunan at unawain ang sitwasyon upang maiwasan ang lalong pagsikip ng trapiko.