Nanawagan si Negros Oriental 3rd District Rep. Janice Degamo ng paglilinaw kaugnay sa mga ulat na bumisita umano si Vice President Sara Duterte kay dating congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na itinuturong utak sa pagpaslang sa kanyang yumaong asawa na si dating Gov. Roel Degamo.
Ayon sa mga ulat, naganap umano ang pagbisita sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong huling bahagi ng 2025, ngunit hindi pa ito kinukumpirma o pinabubulaanan ng Bise Presidente.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice ukol sa impeachment complaints laban kay Sara Duterte, binigyang-diin ni Degamo ang pangangailangan ng malinaw na paliwanag mula sa Pangalawang Pangulo, lalo na’t may mga kumakalat na paratang na maaaring may kaugnayan umano ang pagbisita niya sa tangkang pananakit kay Ramil Madriaga, isang testigo sa impeachment proceedings na nakakulong din sa parehong pasilidad.
Ayon kay Degamo, mahalaga ang katotohanan at pananagutan lalo na para sa mga pamilyang biktima ng karahasan sa politika.
Samantala, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa pagdinig na batay sa kanilang imbestigasyon, dalawang beses umanong bumisita si VP Sara sa Camp Bagong Diwa. Una umano nitong sinubukang bisitahin si Madriaga, ngunit tumanggi umano si Madriaga na magpakita.
Kinumpirma rin ng NBI na may natanggap silang impormasyon hinggil sa umano’y tangkang pananakit kay Madriaga sa loob ng kulungan, na kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan.








