--Ads--

Iginiit ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na hindi na kinakailangang ilipat sa kustodiya ng Kamara si Ramil Madriaga mula sa kasalukuyan nitong detensyon sa Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa.

Ayon kay Ridon, kung wala nang dagdag na katanungan ang komite at maayos naman ang koordinasyon sa pagitan ng BJMP at ng Kamara sa tulong ng korte na may hurisdiksyon sa kaso ay hindi na kailangan ang paglilipat.

Nauna nang iminungkahi ng ilang miyembro ng House Justice Committee ang paglipat ng kustodiya ni Madriaga sa Kamara dahil sa umano’y banta sa kanyang buhay.

Gayunman, bukas pa rin ang komite sa posibilidad na muling ipatawag si Madriaga sa mga susunod na pagdinig kaugnay ng dalawang natitirang reklamo.

--Ads--

Paliwanag pa ni Ridon, kung may iba pang katanungan ang mga mambabatas, maaari nilang hilingin sa korte na pahintulutan muling humarap si Madriaga bilang resource person ng panel.

Matatandaang sa kanyang nakaraang pagdalo sa pagdinig ng Kamara, pinayagan siya ng korte na lumabas ng Camp Bagong Diwa mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon upang dumalo sa hearing at makabalik sa kanyang detention cell.

Tumagal ng ilang oras ang kanyang pagtestigo at pagsagot sa mga tanong ng mga mambabatas.