--Ads--

Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa Senado na agad nang aksyunan ang pagrepaso sa Oil Deregulation Law sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na dulot ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Sen. Tulfo, kasalukuyang dehado ang mga mamimili dahil limitado ang kakayahan ng pamahalaan na direktang kontrolin ang presyo ng langis sa merkado. Sa umiiral na sistema, sinabi ng senador na ang gobyerno ay nakatuon lamang sa pag-apela sa mga kumpanya ng langis upang huwag nang magpatupad ng malalaking taas-presyo.

Giit pa niya, ang patuloy na paggalaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan ay agad na nararamdaman sa lokal na merkado, na nagiging pasanin lalo na sa mga sektor ng transportasyon at pangkaraniwang mamamayan.

Suportado rin niya ang panukalang inihain ni Senador Sherwin Gatchalian na Senate Bill No. 641 o “Institutionalizing Transparency in the Philippine Downstream Oil Industry,” na layuning repasuhin ang Republic Act 8479.

--Ads--

Layunin ng naturang panukala na isulong ang mas malinaw na sistema ng “unbundled pricing” kung saan ilalahad ng mga kumpanya ng langis ang detalyadong breakdown ng presyo ng kanilang produkto upang maging transparent sa publiko.

Ayon sa senador, makakatulong ang mas bukas na impormasyon upang matugunan ang mga alegasyon ng overpricing at mabigyan ng tamang kaalaman ang mga konsyumer sa tunay na pagbuo ng presyo ng langis.

Dagdag pa ng senador, matagal nang isinusulong ng mga grupo ng transport sector ang pagsusuri o pagbabago sa umiiral na oil deregulation policy dahil sa epekto nito sa gastusin ng mga Pilipino.