Itinanggi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na may anumang obligasyon siyang bayaran ang iniulat na ₱24 bilyong multa mula sa Department of Energy (DOE).
Ayon sa mambabatas, wala siyang natanggap na opisyal na abiso tungkol sa nasabing penalty.
Sa isang panayam, tinanong si Leviste kung nabayaran na ang naturang halaga, ngunit iginiit niyang nagkaroon lamang ng pagkakamali sa pagkuwenta ng multa.
“As I’ve repeatedly said, there’s actually never been any letters sent to me for that penalty. And there was a miscalculated amount that was sent to the company I sold to Meralco, and the DOE said that that was not to me but it was to Meralco, and then they agreed to Meralco that it was a miscalculated amount,” paliwanag ni Leviste.
Dagdag pa niya, wala umanong basehan ang paratang na nakatanggap siya ng anumang pondo mula sa gobyerno. Aniya, gumastos pa nga siya ng daan-daang milyong piso para sa proseso ng permits ng mga proyektong nakalaan para sa pribadong pamumuhunan.
Matatandaang ang Solar Philippines, na itinatag at dating bahagi ng interes ni Leviste, ay pinatawan ng ₱24 bilyong multa ng DOE dahil sa umano’y mga naantalang renewable energy contract na nagdulot ng dagdag-gastos sa gobyerno at sa publiko.











