Tinawag ni Batangas Rep. Leandro Leviste na isang “waste of time” ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni Leviste na sa kabila ng iba’t ibang pananaw ng publiko, naniniwala siyang hindi makakakuha ng sapat na boto sa Senado ang impeachment upang ito ay magtagumpay. Isa sa mga posibleng senator-judges ay ang kanyang ina na si Senadora Loren Legarda.
Ayon sa kanya, malinaw umano sa mga political observers na kulang ang suporta para maipasa ang impeachment case sa Senado.
Dagdag pa ni Leviste, nakapagtataka kung bakit ginagamit pa ng administrasyon ang malaking bahagi ng kanilang political capital sa isang isyu na tila wala namang sapat na tsansang magtagumpay.
Samantala, inamin din niya na hindi niya palaging sinusunod ang mga payo ng kanyang ina, na kilala sa pagiging maingat sa pulitika matapos ang apat na termino sa Senado, habang siya naman ay mas prangka at hindi ganoon kaingat sa kanyang mga pahayag.











