Tinawag ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo na gawa-gawa lamang ang alegasyon na may mga maleta ng pera umanong inihatid sa pamilya Duterte, na aniya’y bahagi ng planong patalsikin at hadlangan si Vice President Sara Duterte sa 2028 elections.
Sinabi ito ni Panelo kasunod ng pahayag ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. na naghahatid umano siya ng mga maleta ng pera kina Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Tinawag ni Panelo na black propaganda ang mga pahayag ni Gracioso at inihambing ito sa naunang affidavit ni Zaldy Madriaga.
Si Gracioso ay dating police officer at naging security officer ni Velasco. Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation o NBI ang kanyang mga alegasyon.











