Hinimok ng City Veterinary Office ng Santiago ang mga pet owners na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga aso at pusa upang mabawasan ang mga pagala-galang aso sa komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Myra Grace Pascual, Officer-in-Charge ng Santiago City Veterinary Office, sinabi nito na patuloy ang mga programa ng kanilang tanggapan upang matugunan ang problema sa mga aso at pusa na pakalat-kalat sa mga lansangan na madalas maging sanhi ng aksidente.
Aniya, malaking tulong ang ginagawang hakbang ng kanilang opisina upang matiyak na maayos ang kalagayan ng mga alagang hayop at hindi na pinapabayaang gumala sa labas ng walang bantay ng may-ari.
Binigyang-diin nito na hindi dapat pabayaan ang mga alagang hayop at kinakailangang mabigyan ang mga ito ng maayos na tahanan, malinis na kulungan, sapat na pagkain, at malinis na inuming tubig upang mapanatiling malusog ang mga alagang hayop.
Nananawagan si Dr. Pascual sa publiko na pairalin ang responsableng pet ownership bilang bahagi ng pagpapanatili ng kalusugan at kaayusan sa komunidad.






