Hinikayat ng City Health Office ang mga barangay officials na pangunahan ang regular na paglilinis sa kanilang mga nasasakupan upang mapanatili ang kalinisan at maiwasan ang pagdami ng mga peste na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
Ayon kay Ginoong Leonard Agsunod, Sanitation Inspector ng City Health Office 1, sinabi niya na mahalaga ang aktibong pakikilahok ng mga barangay officials sa pagpapanatili ng kalinisan, partikular sa mga lugar na maaaring pagmulan ng maruming kapaligiran at iba pang panganib sa kalusugan.
Pinaalalahanan din ang mga barangay na huwag lamang umasa sa paglilinis ng mga residente, kundi manguna sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatiling malinis at maayos ang kanilang komunidad.
Ayon pa kay Agsunod, kailangang isagawa ang pagpapanatili ng kalinisan sa buong taon at hindi lamang tuwing may banta o panahon ng pagdami ng mga lamok na nagdudulot ng sakit.
Hinimok din niya ang mga barangay na agad na tugunan ang mga lugar at bagay na maaaring pagmulan ng peste at iba pang panganib sa kalusugan, bilang bahagi ng patuloy na monitoring ng City Health Office.











