Ipinatupad na ang dagdag-pamasahe sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela kung saan umabot sa limang piso ang itinaas sa loob ng bayan at sampung piso naman para sa biyahe sa mga karatig-bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Harold Respicio, Vice Mayor ng Reina Mercedes, sinabi nito na naaprubahan ang naturang fare hike matapos ang deliberasyon ng Sangguniang Bayan at konsultasyon sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Atty. Respicio, naantala ang pagpapatupad ng dagdag-pamasahe dahil isinasaalang-alang nila noon ang naging pahayag ng pambansang pamahalaan na pansamantalang huwag munang magtaas ng pamasahe sa gitna ng krisis.
Gayunman, sa huling sesyon ng konseho ay napagdesisyunan na ipasa ang ordinansa at pinayagan na rin ng alkalde ang implementasyon nito.
Aniya, naipasa ang naturang panukala noong April 13 at sasailalim pa ito sa 10 araw na posting period bago tuluyang maipatupad.
Dagdag pa ng bise alkalde, batay sa kanilang naging pagdinig, suportado ng mga tricycle drivers ang dagdag-pasahe habang nauunawaan naman ito ng mga commuters dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.











