Maghahain ang mga awtoridad ng mosyon sa Sandiganbayan Third Division upang hilingin ang paglipat kay dating Speaker Martin Romualdez sa Philippine National Police (PNP) General Hospital.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nagkonsultahan ang mga doktor ng PNP at ni Romualdez at napag-alamang hindi pa stable ang kondisyon ng dating mambabatas.
Gayunman, regular na susuriin ng mga doktor ng PNP ang kaniyang kondisyon at araw-araw na bibisitahin ang kaniyang hospital room.
Sa sandaling maging maayos ang kondisyon ni Romualdez at maaari na siyang humarap sa korte, dadalhin na siya sa PNP General Hospital. Maaari ring payagang makabisita at magamot siya ng kaniyang mga sariling doktor sa Camp Crame, depende sa magiging pasya ng korte.
Inaasahang ihahain ng mga awtoridad ang mosyon ngayong Martes o Miyerkoles.
Ipinaaresto ni Remulla, kasama ang PNP at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), si Romualdez nitong Lunes ng gabi matapos ipatupad ang warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan sa isang ospital sa San Juan City.
Kasunod ito ng paghahain ng Office of the Ombudsman ng ₱7.4 bilyong plunder case laban kay Romualdez at iba pa, na kalaunan ay na-raffle sa Sandiganbayan Third Division.
Dumaranas umano si Romualdez ng cardiovascular problem, hindi stable na blood pressure at anxiety attack.
SAMANTALA Ibinahagi ni Remulla na zero instructions si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos kaugnay ng pagkakaaresto ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Aniya, parang kapatid na ang turing ng Presidente kay Romualdez at hindi umano madali para sa Pangulo ang sinapit ng kanyang pinakamalapit na pinsan.
Gayunpaman, ayon kay Remulla, walang kahit na anong instructions ang Pangulo para sa nasabing dating house speaker na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng anomalya sa flood control projects na isinampa sa kanya ng Sandiganbayan kasama nina Zaldy Co at ng dalawang iba pa.









