Kinuwestyon ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang pagkansela sa kanyang pasaporte at ang pagdeklara sa kanya bilang “pugante” ng isang korte sa Pasig City.
Sa isang online post, ibinahagi niya ang kanyang inihain na petisyon sa Court of Appeals upang hamunin ang desisyon ng Pasig City Regional Trial Court.
Layon ng petisyon na hilingin sa Court of Appeals na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang pagpapatupad ng naturang mga kautusan ng korte.
Ayon sa kampo ni Roque, nilabag umano ang kanyang karapatan at walang legal na basehan ang pagkansela ng kanyang pasaporte at ang pagdeklara sa kanya bilang pugante.
Giit pa niya sa petisyon, nagkaroon umano ng grave abuse of discretion ang Pasig RTC sa mga resolusyong inilabas noong Nobyembre 2025 at Pebrero 2026, dahil sa umano’y hindi pagkilala sa kanyang karapatan sa due process, presumption of innocence, at freedom to travel.
Dagdag pa niya, nabigo rin umano ang korte na isaalang-alang ang kanyang patuloy na aplikasyon para sa asylum sa Europa, na aniya ay dapat kilalanin sa ilalim ng international law.
Si Roque ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng operasyon ng ilegal na POGO hub sa Porac, Pampanga.










