--Ads--

Nagsampa ng kasong tax evasion ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay Harry Roque, kanyang asawa, at isa pang kasamahan sa Department of Justice (DOJ), kaugnay ng umano’y hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Ayon sa BIR, nabigo umano ang mga respondent na magsumite ng kinakailangang tax returns at magbayad ng kaukulang buwis na may kaugnayan sa paglilipat ng shares of stock, gayundin sa pagtaas ng authorized capital stock. Tinatayang aabot sa mahigit P3.35 milyon ang kabuuang halagang hindi umano naideklarang buwis.

Sa isinampang reklamo, iginiit ng BIR na may sapat na basehan upang papanagutin ang mga nasasangkot sa ilalim ng umiiral na batas sa buwis. Bahagi ng alegasyon ang hindi pagsunod sa mga obligasyon sa pag-uulat at pagbabayad ng buwis sa mga transaksiyong pinansyal na saklaw ng regulasyon ng ahensya.

Sa panig ni Roque, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag hinggil sa kaso sa oras ng pag-uulat.

--Ads--

Inaasahang sasailalim sa paunang imbestigasyon ng DOJ ang reklamo upang matukoy kung may sapat na ebidensya para ituloy ang pagsasampa ng pormal na kaso sa hukuman.