Tiniyak ng Roxas Police Station ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na police deployment at pakikipag-ugnayan sa mga paaralan sa bayan ng Roxas, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ. Christian Arc Caoile, Chief of Police ng Roxas Police Station, sinabi nitong patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga guro, magulang at school authorities upang agad na matugunan ang anumang insidente ng bullying at iba pang suliraning maaaring kinasasangkutan ng mga estudyante.
Ayon kay PMaj. Caoile, may regular na deployment ng mga pulis tuwing oras ng pasukan, tanghali at uwian ng mga mag-aaral. Nagbibigay rin aniya sila ng police visibility at nagsasagawa ng mga symposium hinggil sa anti-criminality, drug awareness at anti-bullying campaigns sa iba’t ibang paaralan.
Bagama’t hindi nila kayang mabantayan nang sabay-sabay ang lahat ng eskwelahan dahil sa dami ng mga ito, sinabi niyang prayoridad nilang mabigyan ng seguridad ang malalaking paaralan habang katuwang ang mga barangay officials at force multipliers sa pagpapanatili ng kaayusan.
Dagdag pa niya, wala pa silang namomonitor na insidente ng pagdadala ng mga estudyante ng mga ipinagbabawal na gamit sa mga paaralan sa Roxas. May ilan lamang aniyang kaso ng alitan ng mga kabataan na agad namang naaaksyunan ng mga school authorities katuwang ang pulisya at iba pang ahensya.
Samantala, sinabi ni PMaj. Caoile na nananatiling maayos at manageable ang peace and order situation sa bayan ng Roxas sa tulong ng koordinasyon ng lokal na pamahalaan, mga barangay at law enforcement agencies.
Sa tala ng Roxas Police Station nitong buwan ng Hunyo, nakapagtala sila ng apat na insidente kabilang ang isang shooting incident na naihain na sa Office of the Provincial Prosecutor, isang qualified theft, isang homicide incident at isang kaso ng damage to property.
Aniya, patuloy nilang binibigyang-pansin ang mga regular na insidenteng nagaganap, partikular sa mga pangunahing lansangan ng bayan, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.











