--Ads--

Napilitan nang itapon ng ilang tindero sa palengke ang saku-sakong pechay matapos itong malanta at masira bunsod ng mababang demand at mahinang bentahan ngayong linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Neneng Evangelista, isang tindera sa palengke, nakaranas ng kakulangan sa supply ng ilang gulay tulad ng pechay, ampalaya at iba pang mga pananim na karaniwang mabibili sa pamilihan.

Dahil dito, tumaas din ang presyo ng ilan sa mga gulay na kanilang ibinebenta.

Ayon sa kanya, malaking hamon para sa mga tindero at tindera ang limitadong supply dahil naaapektuhan nito ang kanilang kita at kakayahang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mamimili.

--Ads--

Bukod sa pagtaas ng presyo, sinabi rin ni Evangelista na ilang kilo ng pechay ang kanilang napilitang itapon matapos itong malanta at hindi maipagbili sa tamang panahon.

Aniya, mabilis masira ang naturang gulay lalo na kung hindi agad nabibili ng mga mamimili.

Dahil sa sitwasyon, umaasa ang mga nagtitinda na muling magiging normal ang supply ng mga gulay sa mga susunod na araw upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng presyo at pagkalugi dulot ng mga nasisirang paninda.

Patuloy namang binabantayan ng mga tindero at tindera ang galaw ng presyo at suplay ng mga gulay sa pamilihan upang matiyak na may sapat na produktong maiaalok sa kanilang mga mamimili.