Pinaigting na ng San Pablo Police Station ang mga hakbang sa seguridad kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng klase kasabay ng pagpapatuloy ng mga kampanya laban sa krimen, ilegal na droga at iba pang paglabag sa batas sa bayan ng San Pablo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Roberto Massiddo Jr., Officer-in-Charge ng San Pablo Police Station, sinabi nito na tuloy-tuloy ang kanilang paghahanda para sa mga programang may kaugnayan sa Balik-Eskwela upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang mamamayan.
Ayon kay PCapt. Massiddo, nagsasagawa sila ng police visibility sa mga paaralan, terminal at pangunahing lansangan bilang bahagi ng kanilang security at emergency preparedness measures.
Sa kasalukuyan ay tatlong paaralan pa lamang ang pormal na humihiling ng police assistance ngunit nakatalaga na rin aniya ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang paaralan sa bawat barangay ng bayan.
Dagdag pa niya, hindi lamang sa panahon ng Brigada Eskwela nakatuon ang kanilang operasyon dahil nagpapatuloy ang 24-oras na pagpapatrolya ng mga pulis sa mga barangay at paaralan.
Mahigpit din aniyang ipinatutupad ang mga checkpoint sa mga pangunahing daan kabilang ang boundary ng San Pablo at Tuguegarao gayundin sa mismong poblacion upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Binigyang-diin din ng opisyal na patuloy nilang binabantayan ang mga estudyanteng nagmamaneho ng sasakyan nang walang lisensya at papatawan ng kaukulang Traffic Citation Ticket ang mga mahuhuling lumalabag sa batas trapiko.
Samantala, sinabi pa ni Pcapt. Masiddo na nananatiling drug-cleared ang bayan ng San Pablo at wala silang naitatalang panibagong kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga sa kasalukuyan.
Ayon pa sa kanya, nananatiling generally peaceful ang bayan dahil sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa at operasyon ng kapulisan.
Mula Enero 2026 hanggang sa kasalukuyan, nakapagtala ang San Pablo Police Station ng walong naarestong wanted persons, 13 isinukong firearms, dalawang isinukong rifle grenade at iba pang pampasabog, at 15 pekeng dokumento o counterfeit items na kusang isinuko.
Nakapagtala rin sila ng dalawang kaso ng paglabag sa mga batas pangkalikasan, isang paglabag sa Chainsaw Act, 139 na paglabag sa Land Transportation and Traffic Code at 911 na paglabag sa mga lokal na ordinansa ng bayan.










