Naging makulay at makabuluhan ang closing program ng CAVRAA 2026 na nagsilbing pagtatapos ng ilang araw na kompetisyon ng mga atletang mag-aaral mula sa iba’t ibang Schools Division Office (SDO) sa Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Edgar “Egay” Aglipay ng Cagayan, sinabi nito na patuloy ang suporta ng pamahalaan sa paglinang ng talento ng kabataan at mahalaga ang ganitong mga palaro upang mahubog ang disiplina, kakayahan at pagkakaisa ng mga atleta.
Sa kabuuang resulta, muling itinanghal na overall champion ang Schools Division Office of Isabela, habang pumangalawa ang SDO Cagayan at pumangatlo ang SDO Santiago City. Nasa ikaapat na pwesto ang Nueva Vizcaya at ikalima naman ang Quirino.
Sa Para Games, nanguna ang SDO Nueva Vizcaya, sinundan ng SDO Santiago City at pumangatlo ang SDO Cauayan City.
Samantala, kinilala ang Santiago West Central School bilang best performing school sa elementary at high school category habang sa secondary level ay kinilala ang Montessori.
Kapansin-pansin naman ang matinding paghahanda at ipinakitang husay ng Cagayan matapos makuha ang first runner-up na nagpapatunay na isa ito sa mga consistent contender sa rehiyon.
Lalo pang naging kapana-panabik ang pagtatapos ng programa nang opisyal na ipasa ang hosting ng susunod na CAVRAA sa lalawigan ng Cagayan para sa taong 2027 kung saan inaasahan ang mas pinalawak at mas pinaghusay na preparasyon.Sa kabuuan, nagsilbing hindi lamang kompetisyon kundi isang selebrasyon ng talento, disiplina at pagkakaisa ng kabataang atleta ang naturang palaro sa rehiyon.











