--Ads--

 Nagpakitang-gilas ang mga batang gymnast ng SDO Isabela matapos mag-uwi ng sunod-sunod na gintong medalya sa CAVRAA 2026, dahilan upang maselyuhan ang kanilang puwesto sa nalalapit na Palarong Pambansa.

Nanguna sa impresibong kampanya si Jayeena Li Aynna Cayaban ng Women’s Artistic Gymnastics (WAG) Elementary Cluster 1 matapos dominahin ang limang kategorya—floor exercise, balance beam, single bar, vault, at individual all-around na pawang nagresulta sa mga gintong medalya.

Ibinahagi ni Cayaban ang kanyang kasiyahan sa muling pagkwalipika sa Palarong Pambansa, na aniya’y bunga ng kanyang dedikasyon at walang sawang pagsasanay.

Hindi rin nagpahuli si Merion Antonette Domingo ng WAG Elementary Cluster 2, na nag-uwi rin ng limang gintong medalya sa kaparehong mga event, kabilang ang individual all-around.

--Ads--

Ayon kay Domingo, hindi niya inaasahan ang naturang tagumpay dahil sa dami ng mahuhusay na kalaban. Gayunpaman, naging sandigan niya ang suporta ng kanyang mga coaches, teammates, at pamilya upang maibigay ang kanyang pinakamahusay na performance.

Sa kabila ng hirap ng kanilang pagsasanay, inilarawan niya ang karanasan bilang masaya at makabuluhan.

Samantala, ayon kay coach Marayfe Adriano, hindi biro ang larangan ng gymnastics dahil sa mataas na antas ng panganib nito, kung saan kahit maliit na pagkakamali ay maaaring magdulot ng seryosong pinsala.

Dahil dito, aniya, tinatrato niya ang kanyang mga atleta na parang sariling anak ginagabayan hindi lamang sa teknikal na kakayahan kundi pati sa disiplina at kaligtasan.

‎‎