--Ads--

Target panatilihin ng Schools Division Office ng Isabela ang kanilang titulo bilang overall champion sa Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet na magsisimula sa ika-13 ng Abril.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manolo Bagunu, Sports Coordinator ng SDO Isabela, aminado siya na malaking hamon para sa kanila ang pagiging reigning champion kaya naman hindi sila nagpapakampante at pinaghahandaan ito ng husto.

Aniya, nagkaroon ng ilang pagbabago sa training ng nasa 563 atleta ng Isabela na lalahok sa CAVRAA kabilang na rito ang pagdaragdag ng araw ng training, at pagtiyak na well-skilled ang mga trainers upang matutukan ng husto ang mga atleta at maging handa sa pagsabak sa mga laro.

Noong nakaraang taon ay nakasungkit ng 117 gold medals ang delegasyon ng Isabela at layon nilang higitan ito ngayong taon.

--Ads--

Isa naman sa mga pinaghandaan nila ay ang mainit na panahon, at pagtiyak na nasa maayos na kalagayan ang kalusugan ng mga atleta. Sa umpisa ng training ay mayroon nang mga atleta ang hindi nagtuloy na agad namang nagawan ng paraan ng kanilang hanay upang matiyak na kumpleto pa rin ang pambato ng SDO Isabela sa lahat ng sporting events.

Nagpapasalamat naman si Bagunu sa Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pagbibigay ng suporta sa kanilang delegasyon. Aniya, naglaan umano ang lalawigan ng 25 milyon pesos para maibigay ang mga pangangailangan ng atleta sa kabuuan ng naturang patimpalak.