Tinututukan ng Schools Division Office (SDO) Cauayan ang kalusugan ng mga mag-aaral bilang mahalagang salik sa kanilang pagkatuto at holistic development sa pamamagitan ng Yakap Program.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent ,Cherry Ramos, EdD, CESO V, sinabi niyang may mga mag-aaral na hindi sapat ang access sa serbisyong pangkalusugan, dahilan upang maisama ang health interventions sa mga hakbang ng paaralan para sa kabuuang pag-unlad ng mga bata.
Sinabi ni Schools Division Superintendent Ramos na maaaring makaapekto sa pagkatuto ang pisikal na kalagayan ng isang mag-aaral, partikular sa kaniyang kakayahang umunawa sa loob ng silid-aralan.
Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng multisectoral partnership sa ilalim ng Yakap Program, mas napapalawak ng SDO Cauayan ang serbisyong pangkalusugan at naaabot ang mga mag-aaral na may limitadong access dito.
Layunin ng programa na matiyak na ang mga mag-aaral ay hindi lamang nakapagtatamo ng edukasyon kundi nabibigyan din ng suportang kailangan upang maging malusog at maabot ang kanilang buong potensiyal.











