Patuloy ang search and rescue operation ng mahigit 600 rescuers sa Indonesia para sa 129 katao na nawawala matapos tumaob ang isang pampasaherong barko sa Java Sea.
Ayon sa rescue agency, anim pa rin ang kumpirmadong nasawi habang 108 katao na ang nailigtas mula sa barkong Virgo Transport 8 na may sakay na 243 pasahero at bumibiyahe mula Surabaya sa East Java patungong Banjarmasin sa South Kalimantan.
Sinabi ni I Putu Sudayana, hepe ng Banjarmasin rescue agency, umabot sa 622 personnel at nasa 12 barko ang ipinakalat para sa search and rescue operation.
Batay sa paunang impormasyon, malakas na alon ang tumama sa kanang bahagi ng barko dahilan upang tumagilid ito bago tuluyang tumaob. Patuloy naman ang imbestigasyon sa sanhi ng insidente.
Samantala, isa ang Indonesia sa mga bansang umaasa sa mga ferry bilang pangunahing paraan ng paglalakbay sa pagitan ng mahigit 17-libong isla nito, kung saan mas mura at mas accessible ang biyahe sa dagat kumpara sa eroplano.








