--Ads--

Nailikas na ng mga Indonesian rescuers nitong Martes ang 22 survivors mula sa isang pampasaherong barko na tumaob sa karagatan malapit sa Java Island nitong weekend, matapos maantala ang rescue operation dahil sa masamang panahon.

Tatlong araw matapos tumaob ang Virgo Transport 8 na may sakay na 213 pasahero at 30 crew, nasa 129 katao pa rin ang nawawala.

Ayon sa national search and rescue agency na Basarnas, anim na ang nasawi habang 108 naman ang nailigtas nang buhay. Hindi nagbago ang bilang ng mga nasawi at nawawala mula noong Linggo.

Nawalan ng komunikasyon ang barko sa shipping company nito ilang sandali matapos umalis sa Surabaya, patungo sana sa Banjarmasin sa isla ng Borneo.

--Ads--

Ayon sa mga awtoridad, dinala sa isang harbor sa Banjarmasin ang 22 survivors matapos hindi sila mailikas noong Lunes dahil sa malalakas na alon at masamang panahon. Apat na bangkay din ang isinakay sa helicopter at dinala sa Banjarmasin.

Umaabot sa halos 1,100 rescuers mula sa navy, pulisya at iba pang ahensya ang nagsasagawa ng search and rescue operation, gamit ang mahigit isang dosenang barko at limang aircraft.