Nasawi ang isang pasahero habang 103 iba pa ang nailigtas mula sa pampasaherong barko na nawawala matapos mawalan ng komunikasyon habang naglalayag sa Java Sea sa Indonesia nitong madaling araw ng Linggo.
Sakay ng Virgo Transport 8 ang 243 katao nang bumiyahe ito mula Surabaya sa East Java patungong Banjarmasin sa South Kalimantan nitong Sabado.
Ayon sa Indonesian Search and Rescue Agency o Basarnas, nawalan ng contact ang barko matapos umanong makaranas ng masamang panahon.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad at nagpadala ng mga tauhan sa huling natukoy na lokasyon ng barko.
Ayon kay local search and rescue chief I Putu Sudayana, umabot sa 103 ang kabuuang bilang ng mga nailikas, kabilang ang isang nasawi.
Hinarap ng mga rescuers ang mga alon na umaabot sa 2.5 metro habang tinatangkang makalapit sa barko, kung saan itinuring na lubhang mapanganib ang kondisyon sa dagat.
Maging ang 40-metrong Basarnas rescue vessel ay nanganganib umano dahil sa taas ng mga alon at lagay ng panahon.
Patuloy naman ang operasyon para sa iba pang pasaherong hindi pa naililikas.
Mahalagang paraan ng transportasyon sa Indonesia ang mga ferry dahil mas mura at mas madaling gamitin ang mga rutang pandagat kumpara sa paglalakbay sa himpapawid.
Gayunman, nananatiling hamon sa bansa ang pagpapatupad ng safety standards sa mga sasakyang-dagat, na iniuugnay sa mataas na bilang ng mga aksidente sa karagatan.
Samantala, hiwalay na nagpapatuloy ang search operation para sa isang speedboat na may sakay na walong katao, kabilang ang limang mamamahayag na nagko-cover sa pagputok ng Mount Anak Krakatoa.











