--Ads--

Nawawala ang isang pampasaherong barko sa Indonesia na may sakay na 243 katao matapos mawalan ng komunikasyon habang naglalayag sa Java Sea nitong madaling araw ng Linggo.

Ayon sa search and rescue agency ng Indonesia, bumiyahe ang Virgo Transport 8 mula Surabaya sa East Java patungong Banjarmasin sa South Kalimantan nitong Sabado bago tuluyang mawalan ng contact.

Sinabi ng ahensya na hindi pa matukoy ang kinaroroonan ng barko habang pinaniniwalaang nakaranas ito ng masamang panahon.

Agad namang nagsagawa ng search operation ang mga rescuers at nagpadala ng team sa huling natukoy na lokasyon ng barko.

--Ads--

Mahalagang paraan ng transportasyon sa Indonesia ang mga ferry dahil mas mura at mas madaling gamitin ang mga rutang pandagat kumpara sa paglalakbay sa himpapawid.

Gayunman, hindi umano palaging mahigpit na naipatutupad ang mga safety standard sa mga sasakyang pandagat, dahilan upang manatiling mataas ang bilang ng mga aksidente sa bansa.