--Ads--

Pinaiigting ng Barangay Maligaya, Cauayan City ang mga hakbang sa seguridad sa kanilang lugar, kabilang ang pagdaragdag ng mga CCTV camera at pagpapalakas ng pagpapatrolya matapos ang naitalang insidente ng pagnanakaw sa barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Raymart Mallillin, sinabi niyang layunin ng mga hakbang na mapalakas ang pagbabantay sa iba’t ibang bahagi ng barangay at makatulong sa mabilis na pagtukoy sa mga kahina-hinalang kilos at insidente.

Bukod sa pagdaragdag ng CCTV camera, isinusulong din umano ang mas regular na pag-ikot ng mga barangay personnel upang masubaybayan ang sitwasyon, partikular sa mga lugar na maraming residente at establisyimento.

Matatandaang isang insidente ng pagnanakaw sa Barangay Maligaya ang namonitor sa pamamagitan ng CCTV, na nakatulong sa pagtukoy sa suspek at sa pagresolba sa naturang insidente.

--Ads--

Samantala, hinikayat naman ni Mallillin ang mga residente na maging mapagmatyag sa kanilang mga personal na gamit at agad na ipagbigay-alam sa barangay ang anumang kahina-hinalang kilos o aktibidad sa kanilang lugar.