Paiigtingin ng Barangay Labinab sa Cauayan City ang pagbabantay at pagpapatrolya sa mga boundary area nito, partikular sa gabi, kasunod ng isang insidenteng iniulat sa social media na kinasangkutan umano ng isang babaeng naglalakad sa bahagi ng Barangay Minante 1.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Silverio Agcaoili Jr. ng Barangay Labinab, sinabi nitong wala silang natanggap na opisyal na reklamo hinggil sa naturang insidente kaya wala silang sapat na impormasyon upang matukoy kung saan ito eksaktong naganap.
Gayunman, hindi na umano bago sa kanilang barangay ang mga reklamong may kaugnayan sa kahalintulad na insidente.
Ayon kay Agcaoili, noong 2024 ay may ilang kababaihan nang lumapit sa kanilang tanggapan matapos umanong habulin ng isang lalaki sa bahagi ng boundary ng Labinab at Sibat.
Naitala umano ng barangay secretary ang reklamo at agad na rumesponde ang mga opisyal at tanod, subalit nakatakas ang inirereklamong lalaki.
Dahil dito, nakatakdang magpatrolya ang mga barangay tanod kasama ang mga opisyal ng barangay mula alas-7 ng gabi hanggang alas-12 ng hatinggabi upang masubaybayan ang mga lugar na malapit sa boundary, lalo na sa mga oras na kakaunti na lamang ang mga taong nasa labas ng kanilang tahanan.
Sa kasalukuyan, may walong barangay tanod ang Labinab na nakatalaga sa magkakaibang oras ng duty. Dalawa ang naka-duty sa umaga at dalawa naman sa gabi, katuwang ang Peace and Order Committee at mga opisyal ng barangay.
Bukod sa pagpapatrolya, nakatakda ring palitan sa darating na Disyembre ang mga sirang streetlight sa ilang bahagi ng kanilang nasasakupan.
Nilinaw naman ni Agcaoili na maliwanag ang mismong bahagi ng boundary na tinukoy sa social media post. Gayunman, hindi naaabot ng kanilang CCTV cameras ang ilang bahagi ng kalsada dahil sa layo ng mga ito sa mga nakakabit na kamera.
Kaugnay nito, hinikayat ng kagawad ang mga residente na agad na magsumbong sa barangay kung may mapansing kahina-hinalang tao o aktibidad upang mabilis na maaksyunan.
Nagpaalala rin ito sa publiko na mag-ingat kapag naglalakad o bumibiyahe nang mag-isa, lalo na sa gabi, at agad na makipag-ugnayan sa barangay, PNP o rescue personnel kung nangangailangan ng tulong.











